TRASLACIÓN
SAMA-SAMANG PAGLALAKBAY TUNGO SA PAGPAPANIBAGO NG ARKEDIYOSESIS NG MAYNILA
Ano ang TRASLACIÓN RCAM ROADMAP?
Ang Traslación RCAM Roadmap ay ang mapang gagabay sa ating sama-samang paglalakbay sa Arkediyosesis ng Maynila sa susunod na limang taon (2023-2028). Ito ay mga konkretong layunin at tugon bilang simbahan sa mga hamon ng panahon.
Ang Traslación RCAM Roadmap ay hango sa mga napag-usapan at napakinggan sa Audiam sa RCAM, ang ating lokal na konsultasyon para sa Synod on Synodality.
Sa ating mga isinagawang Audiam noong 2022, narinig natin sa mga “salamat” at “sana” ng mga kalahok ang pangangailangan ng patuloy na pagpapanibago ng simbahan. Sa pakikinig sa Espiritu Santo at sa isa’t isa, naramdaman ng marami na hindi dapat matigil ang sinodo sa papel lamang. Kailangang ipagpatuloy ang pag-uusap at pakikinig sa iba’t ibang antas at sektor sa loob at labas ng simbahan.
Sa ulat ng ating sinodo, isinalarawan ang paglalakbay na ito bilang Traslación, isang matandang tradisyon ng Quiapo kung saan sinasamahan ng mga deboto ang Mahal na Poong Nazareno sa pagtahak Niya sa mga lansangan ng Maynila.
Anong Traslación o Pagpapanibago at Pagbabago ang hinihingi sa atin ng sinodo?
Ayon sa ating ulat sa sinodo, ang ating Traslación bilang isang Arkediyosesis ay:
Paglalakbay mula sa sakit ng klerikalismo o labis na nakasentrong kapangyarihan sa kaparian,
Paglalakbay mula sa makitid na pag-unawa ng Simbahan bilang mga kaparian at relihiyoso o relihiyosa lamang,
Paglalakbay mula sa isang Simbahan kung saan ang pakiramdam ng mahihirap ay hindi sila kasali,
patungo sa malusog na pakikilahok ng mga laiko sa buhay Simbahan.
patungo sa mas malawak na pag-unawa ng Simbahan bilang buong Bayan ng Diyos, kung saan ang laiko ang nakararami.
patungo sa isang tunay na Simbahan ng Maralita, kung saan ang mga damdamin at hangad ng mga dukha ay binibigyan ng tanging pagpapahalaga.
Paglalakbay mula sa Simbahang hindi bukas sa tinig ng kabataan, nakatatanda, may kapansanan, kababaihan, LGBTQIA+, ibang relihiyon o denominasyon,
patungo sa Simbahang naririnig ang tinig ng Diyos sa tinig ng mga napag-iiwanang sektor o mga hindi kabilang sa Simbahan.
Paglalakbay mula sa Simbahang kani-kaniya o walang pakialaman sa isa’t isa ng mga parokya, ministry, at apostolado,
patungo sa Simbahang nagkakaisa ang lahat ng parokya, ministry, at apostolado sa landas tungo sa pinagkasunduang mga layunin ng ating Arkediyosesis.
Saan tayo itinuturo ng Sinodo at ng Roadmap?
Pagkatapos suriin at tasahin ang nilalaman ng mga konsultasyon sa Audiam sa RCAM, nabuo ang mga tukoy na layunin o strategic objectives na magiging direksyon ng Traslación RCAM Roadmap. Hango ang mga ito sa mga “sana” na ipinahayag sa sinodo.
Ang labing-apat na layunin ay nahahanay sa limang punto de bista:
Una, Mamamasan, o “Taong Simbahan”: ang mga laiko at kapariang “nagpapasan” sa Poong Nazareno sa ating paglalakbay.
Pangalawa, Proseso: ang mga prosesong pinakamahahalaga sa paglalakbay ng Arkediyosesis at ng mga ministry at parokya.
Pangatlo, Kalakbay: Ang mga taong nakakasama ng Simbahan sa ating Traslación, kabilang man sa simbahan o hindi.
Pang-apat, Katiwala: Pagiging mabuting katiwala ng yamang dala sa paglalakbay.
Panlima, Ugnayan: Pakikipag-ugnayan at pakikilakbay ng simbahan sa mas malawak na mga usapin sa kultura at lipunan.
Sa loob ng bawa’t punto de bista, may dalawa hanggang apat na layunin o strategic objectives na nakaturo sa nais nating marating.
Lahat-lahat ay labing-apat ang nakita nating layunin.
MAMAMASAN
1.
Palakasin ang patuloy na paghuhubog sa mga laiko at kapariang “pumapasan” sa Simbahan, padalubhasain ang mga serbisyo, at magtatag ng mga sistemang nakapanghihikayat ng pagtalima at pananagutan.
2.
Repasuhin ang istrukturang pang-organisasyon ng RCAM at isaayos upang maging angkop sa tawag ng panahon.
3.
Bumuo ng isang istratehiya para sa pagpapalago ng yamang-tao ng ng Arkediyosesis, laiko at kaparian, upang matiyak ang paglilingkod sa simbahan na makabuluhan at kasiya-siya sa lahat.
PROSESO
4.
Ipahayag ang ebanghelyo sa paraang kapani-paniwala at napapanahon, alinsunod sa panlipunang katuruan ng Simbahan.
5.
Tumalima sa mga patakaran ng Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM) sa pangangasiwa ng yamang-tao at ng yamang materyal at espiritwal ng Simbahan.
KALAKBAY
6.
Linangin ang malapít na pakikitungo sa mga institusyong panlipunan, kabilang ang pamahalaan, para sa paghubog ng budhing panlipunan alinsunod sa diwa ng sama-samang paglalakbay (synodality).
7.
Tiyakin na abutin ng RCAM ang lahat ng mananampalataya ng Arkediyosesis, upang maramdaman nila ang mainit na pagtanggap at pagiging bahagi nila sa malawak na pamayanan ng RCAM.
8.
Pagyamanin ang lahat ng pamayanang pansimbahan ng RCAM upang maging sentro ng bagong ebanghelisasyon, sa pakikipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) at iba pang institusyon at grupo.
KATIWALA
9.
Repasuhin at panibaguhin ang mga sistema sa pananalapi at pag-iingat yaman at magtatag ng mabisang mga paraan ng pagsisinop.
10.
Maging responsable at malikhain sa paggamit ng mga biyayang materyal ng RCAM para sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos, at itaguyod ang pagiging mabuting katiwala ng mga mananampalataya.
11.
Lumikha at magpatupad ng mga patakaran para sa maayos at maingat na paggamit ng salapi, at pagtibayin ang mga pakikipag-ugnayan sa mga katuwang sa pag-iingat-yaman.
UGNAYAN
12.
Maglinang ng kultura ng pakikitungo (culture of encounter) sa pamamagitan ng tunay na relasyong tao sa tao, upang palaganapin ang katotohanan ng ebanghelyo at ang katuruang panlipunan ng Simbahan.
13.
Maging ilaw ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtaguyod ng makatarungang pagbabagong nakabatay sa dangal ng tao, pagkalinga sa kalikasan, at mahusay na pagtugon sa kalamidad.
14.
Repasuhin, pagyamanin, ipatupad, at ipagpatuloy ang mga programang sumasagot sa mga isyu ng karalitaan, di pagkakapantay-pantay, marhinalisasyon, at pagsasantabi, upang mapatotoo ang pangakong maging Simbahan ng Maralita.
Ano ang mga susunod na hakbang natin?
Sinimulan lamang ng Traslación RCAM Roadmap ang pagsasalin ng sinodong Audiam sa RCAM sa mas “strategic” na mga layunin at gawain na maaari nating tahakin bilang Arkediyosesis. Samakatuwid, hindi pa ito tapos. Ang “strategy map” ay kailangan pang tasahin at iangkop sa antas ng mga parokya, paaralan, ministry at apostolado.
Ang nabuong strategy map at ang 14 Strategic Objectives ay magsisilbing gabay para sa paglalapat nito sa sitwasyon at pangangailangan sa mga nabanggit na “units” ng RCAM. Inaasahan na bago matapos ang Agosto ng taong 2023, ang lahat ng RCAM Units ay mayroon nang “localized version” ng Traslacion RCAM Roadmap.
Sa Setyembre, ilalahad ng mga parokya ang kanilang roadmap sa antas ng bikaryato (Commission naman para sa mga ministry). Sa Oktubre, sa antas ng mga lungsod sa Arkediyosesis (Copa/Coform/Curia para sa mga ministry at opisina). Sa Kapistahan ng Kristong Hari sa Nobyembre, inaasahan natin na nakabuo na ang ating Arkediyosesi ng pangkalahatang Traslacion RCAM Roadmap.
Ito ang magsisilbing gabay natin sa ating sama-samang paglalakbay sa pagpapanibago at pagbabago ng ating simbahan sa Maynila sa pangunguna na ating Arsobispo, Cardinal Jose F. Advincula.
Para sa mga tanong at paglilinaw, hinihikayat tayong makipag-ugnayan kay Fr. Jason H. Laguerta bilang Episcopal Vicar for the Implementation of Traslacion RCAM Roadmap. Kasama niya sa grupo ng mga tagapagpadaloy sina Fr. Jun Sescon, Fr. Rany Geraldino, Fr. Leo Ignacio, Fr. Rico Ayo, Ms. Ellen Dionisio at iba pang mga laykong lingkod.